Radikal: Ang Presidenteng
Karapat-dapat Sa Atin
ni Butch Dalisay
salin sa Filipino ni Elmer L. Gatchalian
Lumaki akong tagasunod ni Marcos.
Siya ang panauhing pandangal sa pagtatapos namin ng elementarya noong 1966. Kapapanalo pa lang niya noon at mukha talaga siyang bayani, gaya ng sabi niya—guwapo, makisig, at mahusay magsalita. Naisip ko noon, habang pinapanood ko siya, na ang Presidente ay isang dakilang nilalang na mas dakila sa ating lahat.
Pitong taon pagkaraan noon, halos isang taon akong nasa kulungan. Martial Law na noon, at disinuwebe anyos na ako. Nakulong ako dahil ang Presidenteng hinangaan ko noong bata ako ay nagsinungaling sa akin. Ang sabi niya sa akin, gusto niyang gawing dakila muli ang Pilipinas. Pero hindi iyon ang ginawa niya. Naging ganid siya sa kapangyarihan at kayamanan, na ninakaw niya mula sa mayayaman at mahihirap, at pinarusahan niya ang sinomang kumalaban sa kaniya.
Kabilang sa mga pinarusahan niya ay ang mga estudyanteng gaya ko. Tinawag nila kaming “mga radikal” at itinapon sa kulungan. Marami sa mga kaibigan ko ang nakaranas ng malagim na kamatayan. Nakalulungkot dahil marami ring mga Filipino noon ang walang pakialam. Masaya na silang makakita ng mga bagong kalsada. Wala silang kaalam-alam na bilyong-bilyong piso—na dapat sana ay para sa kanilang pagkain, pabahay, at edukasyon—ang napupunta sa mga sikretong bank account sa ibang bansa.
Nasa EDSA ako noong lisanin ni Marcos ang Pilipinas, at tuwang-tuwa ako noon dahil isang mabuti at matapat na babae ang maghahatid ng pagbabago. Pero alam kong hindi iyon kakayanin ni Cory nang mag-isa. Napakamakapangyarihan ng sistema. Maraming Pangulo ang sumunod kay Cory, at mas mahusay ang iba sa kanila, pero ang pagkasakim sa yaman at kapangyarihan ay hindi naglaho kasama ni Marcos. At sa halip na kilalanin siya bilang Presidente na sumira sa demokrasya ng Pilipinas, naging huwaran pa si Marcos ng ibang mga sumunod sa kaniya, na bukod sa inilibing siya bilang isang bayani ay gusto pa siyang buhaying muli sa katauhan ng kaniyang anak.
Noong inialay ni VP Leni Robredo ang kaniyang sarili sa pagkapangulo at sinabi niyang “mas radikal ang magmahal,” napaisip ako nang malalim tungkol sa nais talaga niyang sabihin, at kung ano ang kaibahan na maaari niyang gawin sa ating buhay at kinabukasan. Hinihiling ba niya sa atin na mahalin ang ating mga kaaway, tulad ng itinuro sa atin ni Hesukristo? Pagkatapos nating makaranas ng lahat ng uri ng kasamaan—ng korupsiyon, opresyon, at despotismo—mahahanap nga ba natin sa ating sarili ang kakayahang mahalin ang mga taong malinaw na walang pagmamahal sa atin?
Ngunit naalala ko rin ang isa pang bisyonaryo, si Martin Luther King, at ang kaniyang naibahagi tungkol dito. Ang sabi niya: “Sa bandang huli, ang pag-ibig ay hindi isang sentimental na bagay na pinag-uusapan lang natin. Ang pag-ibig ay malikhain, at hinahangad nito ang kabutihan para sa lahat. Ang pag-ibig ay ang pagtanggi na talunin ang sinomang indibidwal. Kapag narating mo ang antas ng pag-ibig—ang dakilang kagandahan at kapangyarihan nito—wala kang ibang nanaisin kundi ang talunin ang kasamaan.“
At noon ko napagtanto na ang tunay na kalaban ay hindi ang mga tao, kundi ang mga bulok na sistema na lumikha at nagbigay ng kapangyarihan sa mga Marcos at sa mga gaya nilang nasa paligid natin. Hindi lang isang tao o pamilya ang dapat nating tutulan, kundi ang lahat ng kabulukan na kanilang kinakatawan.
Madali tayong matutukso na ang pagtuunan ng pansin ay ang mga personalidad at ang kanilang mga kahinaan. Pero ang mas mahirap na gawin ay ang lumaban para sa nakabubuti at para sa kabutihan.
Ito ang mga pagpapahalaga na isinantabi ng marami sa ating mga pinuno, sa kanilang mga sinabi at inasal, sa loob ng nakaraang limang taon. At ito ang mga pagpapahalagang ipinaalala sa atin ni VP Leni na karapat-dapat nating mahalin at isabuhay. At sa panahong ito ng karahasan, takot, at kasinungalingan, ang mahalin ang mga pagpapahalagang ito ay tunay ngang radikal:
Diyos. Bayan. Kalayaan. Katarungan. Kapayapaan. Katotohanan. Buhay. Kagandahan.
Mga dakilang salita ito na nangangailangan ng mga dakilang puso at isip. Kung mahahanap ko ang kadakilaang iyon sa aking sarili, muli akong magiging radikal, at sa halip na ikulong tayo, ang bagong Presidente natin ang magpapalaya sa atin mula sa ating nakaraan upang ang bayan natin ay maging isang bayan na ating pinapangarap. At ang Presidenteng iyon—ang Presidenteng karapat-dapat para sa atin—ay maaaring maging dakila rin tulad natin.
Read this text in: Hiligaynon ⬩ English ⬩ Cebuano ⬩ Bikol ⬩ Kinaray-a ⬩ Kapampangan ⬩ Ilocano ⬩ Waray